Madalas nating makita ang “expiration date,” “consumed by,” at “best before” sa ating pang araw-araw na pagkain ngunit hindi lubos na malinaw ano ang pagkakaiba ng mga ito.
Sa programang “Konsumer ATBP.” ng DZMM, tinalakay ng Food and Drug Administration (FDA) ang iba’t ibang klase ng product labelling.
Ayon kay Maria Theresa Cerbolles, regulation officer ng FDA, mayroon silang kautusan na nagsasabing expiration date ang dapat gamitin ng mga food manufacturer sa halip na “best before” upang masiguro ang kaligtasan ng mga konsumer.
Hindi kasi tahasang sinasabing bawal na ang pagkain kapag lumagpas ito ng “best before” date hindi katulad kung ang pagkain ay expired na, hindi na aniya ito maaaring ikonsumo.
“Sa isang administrative order, dapat ginagamit ang expiration date sa isang produkto specifically doon sa madaling masira o high-risk food products,” ani Cerbolles.
May iba rin naman daw na gumagamit ng “best before” pero dapat ay nilalagay lamang ito sa mga klase ng produkto na hindi madaling masira tulad ng kendi o biskwit dahil ito ay “microbiologically stable.”
Dagdag niya, kapag lumagpas na ang pagkain sa itinakdang “best before” date ay bumababa na ang kalidad nito, halimbawa’y pagkunat at pagtutubig.
Ano mang lumagpas na sa “expiration date” ay maaari nang makasira sa tiyan.
Sinang-ayunan naman ito ni Ricky Salvador, tagapagsalita ng Philippine Chamber of Food Manufacturers Inc.
“Actually ayon doon sa batas, talagang expiration date ang mina-mandate ng FDA sa manufacturers,” ani Salvador.
Paliwanag niya, wala nang palugit pa ang mga pagkaing lumagpas na sa expiration date dahil hindi na ito ligtas ayon sa pag-aaral.
“Walang palugit iyon dahil base iyon sa mga pagsusuri sa testing na sina-submit namin sa FDA. So may test kami na sinasabing pagkatapos ng petsang iyan, huwag mo nang kainin.”
“Dont take chances,” paalala ni Salvador.