Food Chamber

‘Sugar label’ sa mga pagkain, pasisimplehin

Maglalagay na ng mas maiintindihang paalala ang gobyerno sa mga produktong karaniwang tinatangkilik ng mga Pinoy na may mataas na sugar content. 

Sa survey kasi ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI), lima hanggang anim na tasa ng kanin ang average na konsumo ng Pinoy kada araw.

Dahil ang kanin ay itinuturing na mayroong mataas na nibel ng asukal, hindi maiwasang itanong kung sobra ba ang kaning kinokonsumo kada araw o tama lang sa mga Pilipino lalo pa’t kanin ang isa sa mga pangunahing pagkaing Pinoy.

Batay kasi sa “pinggang Pinoy,” kalahati hanggang isang tasa ng kanin lang kada meal ang akma sa batang edad 3 hanggang 12.

Sa mga teenager, isa’t kalahati hanggang 2 tasa kada meal ang mungkahi habang isa hanggang isa’t kalahating tasa lang kada meal sa matatanda o adult na hanggang 59 anyos.

“Makikita natin doon sa ating ‘pinggang Pinoy,’ iba-iba ‘yong portion size na nirerekomenda. Ito ay dahil iba-iba ‘yong mga requirement nila sa maghapon,” ani Mario Capanzana, director ng FNRI. 

Ilan sa pinaplano ng Food and Drug Administration (FDA) ay ang paglalagay ng drawing ng kutsara sa produkto o pagkain para maipakita ang dami ng asukal; paggamit ng parang traffic light kung saan mas titingkad ang pula kung napakaraming asukal o paglalagay ng info board na magpapakita ng ingredients o sangkap ng produkto.

Maaari ring gawin sa wikang Filipino ang sugar label para mas maintindihan ng mga mamimili.

“Para ho ito sa consumers kaya importante po sa ‘min na maintindihan ng consumers,” ani Charade Puno, director general ng FDA.

Si Pangulong Rodrigo Duterte mismo ang nagsusulong na lagyan ng sugar label ang mga bilihin dahil maraming produkto ang sobra-sobra ang dami ng asukal.

Ayon naman sa Philippine Food Chamber, dapat pag-aralan munang mabuti ang mungkahi dahil may katapat na gastos ang pagpapalit ng label ng mga manufacturer.

Hindi rin daw sila agad-agad na makakapagpalit ng label dahil kailangan pa itong i-adjust sa pabrika.

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *